Dati ako ang nasa position ng mga batang tinuturuan ko. Marami, iba't iba ang iniisip ng isang bata. Hindi ko maintindihan dati kung bakit laging English movies ang gusto panoorin ng mama ko. Bakit ayaw nya sa cartoons at anime? Gusto ko pa rin ng cartoons at anime ngayon pero naiintindihan ko na kung bakit gustung gusto ng mama ko ang mga English movies. Pag nagmature ka na pala kasi, nag-iiba na rin ang gusto mo.
Dati hindi ko maintindihan bakit gusto ni mama ng ampalaya. Noong bata ako, pilit na pilit ako sa pagkain ng ampalaya at iba pang gulay gaya ng okra at paminta. Pero ngayon, iba na ang taste ko. Masarap din pala ang gulay.
Noong nakaraang Sabado, nagreunion ang batch 2009 ng III-Krypton. Nandoon ang mahigit kumulang dalawampung estudyante ko. Ang iba sa kanila ay kasama ang kanilang boyfriend. Sa totoo lang, hindi ko malaman kung ano ang gagawin ko nung panahon na yun. Naiinis kasi ako dahil para sa akin masyadong madikit ang mga katawan ng mga BATA. Too close for comfort yun para sa akin. Iniisip ko, oh no, may mali dito. Pero may pumipigil din sa akin manita.
Hindi ko na kasi sila estudyante ngayon. Iniisip ko, sisirain ko ba ang gabing iyon na dapat nagsasaya ang mga dating magkakaklase sa kanilang muling pagtatagpo sa pamamagitan ng pagdakdak sa kanila tungkol sa moralidad, maagang pag-aasawa, pagbubuntis at kung anu-ano pa. Naisip ko rin na baka mapahiya ang mga batang iyon kaya hindi ko na ginawa ang nasa isip ko kahit naghihimutok ang buchi ko.
Dahil sa encounter na iyon, naisip ko din ang aking kabataan. Hindi rin naman kasi ako parang santa noong katulad ko sila ng edad. Naisip ko ang mga paalala at sermon ng mama ko sa akin. Hindi ko rin kasi iyon pinakikinggan, hehehe. So sa tingin ko, kahit dakdakan ko ang mga estudyante ko, hindi rin nila ako pakikinggan.
Mabalik sa mga pangaral ni mama, naisip ko na ngayon ko mas naintindihan kung bakit niya ako pinapangaralan noon. Dati hindi ko naaappreciate ang mga ginagawa niya sa akin dahil sa tingin ko wala lang siyang tiwala at ayaw lang nya maging exciting ang buhay ko. Ngayong nanay na din ako at teacher pa, mas nakikita ko na ang itinatakbo ng utak ng mama ko dati. Ako na ngayon ang nasa posisyon nya na nag-aalala din sa mga mahal ko sa buhay.
Siyempre, kahit wala akong sinabi sa mga estudyante ko noong araw ng swimming, hindi ko kayang mapalampas ang bagay na yun. Dinala ko ang isiping iyon hanggang bahay, hanggang eskwela at hanggang makabalik ulit ako sa bahay. Kaya ang naisip ko ay bigyan sila ng hint ng gusto kong sabihin. Dahil sariwa pa sa utak ko anhg Romeo and Juliet, kumuha ako ng isang quotation mula doon:
“These violent delights have violent ends
And in their triumph die, like fire and powder,
Which as they kiss consume. The sweetest honey
Is loathsome in his own deliciousness
And in the taste confounds the appetite.
Therefore love moderately; long love doth so;
Too swift arrives as tardy as too slow.”
― William Shakespeare, Romeo and Juliet
Sana naintindihan nila ang meaning.